Wednesday, April 26, 2006
Damn AMD processor!
Sunday, April 23, 2006
Simulan Na!
Halos tatlong buwan na rin ang nakalilipas mula ng yayain akong magpakasal ni Miguel...
And so far, wala pa kaming napaplano o nasisimulan sa kasal na sana'y matuloy sa Enero ng taong 2007.
Hindi naman sa ayaw na naming magpakasal. Sa katunayan, atat na nga kami. Hindi ko bobolahin ang sinumang makabasa nito...ang malaking problema ngayon ay aming kakulangan ng pondo. Nakapagtanong tanong kami sa mga kaibigan at katrabaho at kukulanging Php 200,000 ang aming kakailanganin upang maisakatuparan ang kasal na pareho naming inaasam.
Talagang napakalaking halaga lalo na sa kagaya naming mga simpleng tao lamang. Wala kaming sapat na pera at kung 2007 ang aming goal, mukhang hindi kakayanin ng powers naming makapagipon ng ganun kalaking halaga. Siguro, kung pwede lang, magpacivil wedding na lang pero syempre, kahit papaano'y gusto rin naming matupad ang isa sa aming mga pangarap lalo na't nakaabot na kami sa edad na akma sa pagpapakasal.
Binanggit sa amin ng mama ni Miguel (future mama ko na rin, hehe) na hindi masama kung magsimula na kaming maghanda. Walang masama sa pagtingin tingin upang malaman namin ang talagang aabutin ng kasal. So far, may venue na kami, libre pa. Sa bahay ng lola ko sa Batangas. Its perfect! Napakalaking hardin at napakagandang sinaunang bahay na gawa sa narra! Perfect sa Filipiana theme, dream ko to! Kaya lang gusto daw magtuxedo ni Miguel. Pano ba to? Hehe. Ang simbahan, syempre sa Batangas din. Libre na to, sigurado ako! Malakas lola ko sa parokya ng aming bayan. =) Ang kailangan ko na lang isipin ngayon ay ang caterer na magpapakain ng mahigit 100 katao. Damit ko at ng entourage. Invitations. Souvenirs. Photographer and Videographer. Flowers. Madami dami pang pagaaral ang kailangan gawing para sa nalalabi. Kailangan ng simulan...walang mangyayari kung magpapatalo kami sa takot ng laki ng gastos sapagkat kung gusto mo, magagawan ng paraan.
Monday, April 17, 2006
Munimuni
Napadaan ako sa blog ng aking kaibigan si Maranatha... and wala akong kamalay malay na kinasal na pala siya! Congrats! Nakita ko pa yung evolutionpics niya with her highschool friends and thats when it him me...talagang we're all grown up. Gone were the days when all we had to worry about were soliloquys to memorize for Mrs Eala, book reports to submit, reflections papers to reflect on and geometry problems to solve for Ms Marquez... Lahat ay iba na, lahat ay problemang pangmatanda na.
Wednesday, April 05, 2006
Patay na Buhay
Kasabay ng pagbulusok ng sangkaterbang problema ang kawalan ko ng oras at inspirasyon para makapagsulat muli.
Ngayon ko lamang nahinuha na sadyang sa pagtanda ng isang tao, kung hindi ka mag-iingat ay sadyang makakalimot ka’t magpapaanod sa agos ng buhay. Ngayon alam ko na ang pakiramdam ng taong unti-unting nagiging robot.
Mahirap pag hinayaan mo ang iyong sarili na sumabay sa mga buhay na patay. Hindi mo mamalayang katulad ka na rin nila, humihinga, gumagalaw at nagsasalita ngunit hindi na nakakaramdam. Animo’y isa ka na lamang robot na paulit ulit na gumagawa ang pang araw-araw na ritwal. Gigising, kakain, maliligo at magbibihis. Papasok sa opisina, magtatrabaho. Kakain ng tanghalian, kakain ng meryenda, kakain kahit hindi gutom. Tatayo para magbanyo. Pagkalipas ng 9 na oras, uuwi na ng bahay. Kakain ng hapunan. Manonood ng t.v., magsisipilyo’t hilamos at saka matutulog. Sa sunod na araw, ganun ulit. Paulit ulit lang. Vicious cycle ang tawag nila ditto sa Ingles. Akmang akma ang termino. Sadyang mapanganib ang ganitong klaseng buhay. Mamatay ka kahit na buhay ka pa.
Thoughts on Life: Chef ba si God?
Talagang mapanghamon ang buhay. Kung mahina ka, minsan ay sadyang mahihirapan ka sa mga hamong ipupukol nya sayo.
Bagama't madalas mapukol at kahit na madalas pang mabukulan, ngayon ko masasabing sadyang ako ay nabubuhay. Mas natitikman ko ang putaheng inihahanda sa akin ng aking kapalaran. Hindi lang sya puro tamis. May kaunting alat at pait pati na rin ang anghang. Sadyang naging mas malasa tuloy. Mas masarap mabuhay kapag ganito pala.
Kapag iisa lamang ang lagi mong nalalasahan, habang tumatagal ay masasawa ka rin. Kapag puro tamis, baka mabulok ang ipin mo. Kapag puro alat, baka naman magkasakit sa bato. Pag puro pait naman, mas lalo namang hindi masarap yun. Huwag din naman puro anghang, baka magkaputok ka (pasintabi na lang sa mahilig sa maaanghang).
Magaling nga sigurong chef si God. Kasi tamang tama lang ang timpla nya sa buhay ko. Ngayon medyo dinagdagan niya ng alat at pait. Pero okay lang, sawa na rin ako sa matamis. Okay lang na maiba naman.