Friday, June 15, 2007

Buo

Sa unang pagkakataon, nakakilala na rin ako ng isang tao ng matatawag kong, BUO.

At siya ay si Ian.

Si Ian ay dati kong katrabaho. Nagpasya siyang umalis sa trabaho mga dalawang buwan na ang nakakaraan. Noong una naming nalaman na nagbigay na siya ng kanyang resignation letter sa aming boss, gulat na gulat ako. Hindi ako makapaniwala sapagkat napakalaking pagkakataon ang kanyang pakakawalan. Dapat sana ay makakausad na siya sa posisyong pagka manager mula sa pagiging junior officer. Napakarami ang binalak ng aming boss para sa kanya dahil sa mahusay niyang pamumuno sa aming grupo at dahil sa malaking tuloy niya sa kumpanya.

Ngunit hindi niya hinayaang masilaw ang sarili sa mga pangako ng pag-unlad sa isang trabahong hindi na nagbibigay sa kanya ng tunay na kasiyahan at inspirasyon. Kahit na kasigurahan sa larangan ng pamemera ang ibinibigay sa kanya nito, bumitaw pa rin siya. Hindi ito ang ninanais niya at alam niyang hindi siya tunay na magiging masaya.

Noong mga unang ilang linggo na wala na siya sa opisina, panghihinayang pa rin ang aming naiisip sa tuwing siya ang napag-uusapan ngunit sa kanyang pagdalaw sa amin kagabi, natanto ko na hindi siya nagkamali sa kanyang naging desisyon. Nagkaroon ng kakaibang kinang ang kanyang mga mata habang kinukwento ang kanyang mga plano ngayo't isa na siyang flight steward. Ang pagkakataong makapaglakbay ay isa sa mga bagay na talaga namang kinapapanabikan niya. Malayo man siya sa amin, alam niya na hindi matutularan ng kahit anupaman ang pagkilala sa iba't ibang tao't kultura na kanyang makakasalamuha. Naniniwala ako dito sapagkat masasabi mong isa kang tao na sadyang maraming alam kapag nakapaglakbay ka't nakilala ang malawak nating mundo. Sa bawat salitang kanyang bigkasin, bigla kong nakita ang isang tao na alam ang kanyang gustong gawin, gusto ang kanyang ginagawa, isang kaibigang tunay na buo ang katauhan.

Sana'y matamo ko rin ang pagkabuo ng aking sarili. Sana.

Sigurado lang ako na magagawa ko ito kung sisimulan ko ang pagtahak sa daan patungo rito...

0 comments: