Talaga namang kakaiba ang naging weekend ng buong Kamaynilaan at ilang kalapit bayan...
Hinagupit lang naman ito ng isa sa pinakamalakas na bagyo na itago na lang natin sa pangalang "Ondoy".
Ang buong akala ko'y simpleng pag-ulan lamang sya noong Sabado. Mayroon pa kaming planong magpunta ng Tagaytay upang maghanap ng simbahan pwedeng pagkasalan. Laking gulat ko na lang ng tinatawag na ako ng nanay ko mula sa ibaba at sumigaw ng "Baha!"
"Baha?!"
Hindi naman bumabaha sa aming bahay. Bumaha man noon ay dahil ito sa baradong kanal na kagagawan rin naman naming magkakapitbahay. Akalain mo ba namang magtapon kami ng mantikang pinaglutuan sa lababo sa tuwing maghuhugas kami nito.
Wala pang ilang oras, nawalan na ng ilaw at sa pagsilip namin sa labas ng bahay, animo'y white water rapids na pala ang aming kalye.
Noong kahapunan, ang buong akala nami'y humupa na ang ulan kaya't nagpasya kaming magpunta pa sa Cherry Fooderama para mamili ng makakain. Isang oras lang kaming nawala pero ramdam na namin na parang kakaibang tila ang ulang ito. Wala ng yelo sa grocery. Nagkakaubusan na rin ng kandila. Paguwi namin sa aming bahay, aba't akalain mong di na makadaan ang aming sasakyan. Napilitan kaming iwanan ito sa mataas na lugar at saka lumusong sa baha bitbit ang limang mabibigat na plastic bag. Pakatandaan na walang kuryente ng panahong ito at flashlight mula sa cellphone na tig 1500 lang ang gamit namin kaya't tila katapusan na ng mundo para sa amin.
Linggo ng umaga.
Di pa rin kami makalabas.
Wala pa ring ilaw. Maulan pa rin ng kaunti.
Linggo ng tanghali.
Inip na inip na kami at walang anumang balita sa labas kaya't napagpasyahan naming lumusong ulit sa baha upang makiusyoso sa labas.
Sa aming paglalakad, laking gulat namin ng aming makita ang tunay na hagupit ng ulan na nung mga panahong yun ay ni hindi nga namin alam na nagngangalan palang Bagyong Ondoy. Lubog ang halos lahat ng aming mga kapitbahay. Maraming kotse sa aming paligid na bubong na lamang ang nakikita. Ang dating highway sa labas ng aming subdivision ay nagmistulang relief center at libo libong tao ang naglalakad na basa at tila pagod na pagod.
Talaga palang matinding bagyo ang dumaan.
Lunes. Kailangan ng pumasok.
Kahit na hindi namin alam kung kami'y may madadaanan papuntang Greenhills ay minabuti naming baybayin ang Marikina upang makahanap ng daan paluwas. Kagilagilalas ang tumambad sa amin ng aming marating ang mismong bayan ng Marikina. Putik, bumaliktad na mga sasakyan at sirang mga establisyemento ang nasa buong paligid. Nakakatakot...at the same time...lubos rin ang aming pagpapasalamat sa Diyos sapagkat hindi kami inabot ng baha. Hindi ko ata kakayanin kung ang aming mga kagamitan na sya lamang naipundar ko ay tuluyang masisira. But then again...marami sa ating kababayan ang nawalan ng lahat, di lamang bahay...meron ding pati buhay.
Kahapon.
May kuryente na. Lahat halos na palabas sa TV ay tungkol kay Ondoy. Despite the tragedy, nanaig pa rin ang lakas ng mamayang Pilipino. People Power ulit...and this time the real thing. Totoong People Power 2. Ang daming taong tumutulong, kaliwa't kanan ang suporta. Nakakaiyak talaga.
Hindi ko akalain na mararamdaman ko ang ganitong pakiramdam. Pride. So proud of the Filipino people.
Mabuhay ka Ondoy! Pinatatag mo't pinakita sa buong mundo ang tunay na galing ng Pinoy.
0 comments:
Post a Comment