Sunday, July 18, 2004

Lupaypay

Pinilit gumapang ng lupaypay niyang katawan patungo sa isang masikip na sulok. Ang buong akala niya'y maikukubli nito ang matinding takot na tila bumalot sa buong niyang katauhan. Hinang hina na siya at wala ng mahugot na lakas mula sa kanyang katawan ngunit alam niyang nariyan pa siya. Halos maligo sa masangsang na amoy ng dugo ang buo niyang katawan. Mahapdi at makirot ang mga sugat na iniwan ng matitinding hampas at hambalos ng malupit niyang mga kamay. Nanlalabo na ang kanyang paningin mula sa mga suntok at sampal ng isang taong dating nagmahal at noo'y nag-aruga sa kanya.

Ibinalot niya ang kanyang mga kamay sa nanginginig niyang katawan upang makaramdam muli ng init. Doon niya nahaplos ang mga galos sa kanyang balat at bigla na lamang siyang napaluha. Hindi niya maunawaan kung paano umabot sa ganon ang dating matamis na pag-iibigan nila. Paano humantong sa mapait na katapusan ang pinakamasayang kabanata ng kanyang buhay? Heto siya't nag-iisa at tila pinabaunan lamang ng pasakit at lungkot.

Napatungo na lamang siya at nilunod ang sarili sa hindi mapigilang pag-agos ng luha. Wala na siyang magagawa ngayon kundi ang magkubli. Marahil maghihintay na lamang na maghilom ang mga sugat. Hahayaang lumipas ang panahon at burahin ang mga alaalang nakaukit sa kanyang puso't isipan.

0 comments: