Sa wakas, nakahanap din ako ng oras para makapamasyal, sa internet. Syempre, love your own, kaya ang una ko parating binibisita, ang aking one and only Sisidlan. =)
At sa wakas (ulit), may bumisita ulit dito pagkatapos ng napakahabang panahon. Iniisip ko na lang, siguro lahat ng tao, katulad ko mag-isip, "love your own", kaya sarili lang nilang blog ang tinitingnan nila. Hehe. Pero napaisip ko...dahil nga sa madalas ay kwento ukol sa sarili lamang ang aking naisusulat dito, talaga namang walang magkakainterest na bumisita rito. Maliban na lang kung meron akong tagahanga...o di kaya'y isang kakilala na walang magawa. Hehe.
Sabi ng aking kaibigan sa aking CBOX, "Manila is one hello hole".
Sa aking pananaw, mukang panlabas lamang na kaanyuhan ng Maynila ang kanyang nakikita. Hindi ko siya masisisi. Asahan mong tatambad sa iyo kung ikaw ay nasa Maynila ang masisikip na mga daan kahit saang sulok ka pa magpunta. Nakakalat ang mga bata't pulubi sa daan. Tambak na ang mga basura, masangsang pa ang amoy. Naglipana din ang mga mandurukot at masasamang loob. Lahat yan asahan mong makita at maranasan sa Maynila.
Pero ang hindi nakikita ng ilan, may puso ang Maynila. Dahil kasabay ng mabilis na pagdaloy ng samu't saring mga tao sa daan, may isang taong may ginagawang makabuluhan.
Marahil isang pintor sa loob ng kanyang maliit na apartment ang matiyagang binubuo ang kanyang maestra. Siguro, may isang masigasig na estudyante ang nag-aaral upang makamit ang pangarap na medalya. Hindi rin malayong may isang magulang ang kumakayod ng walong oras upang makapag-uwi ng makakain at maipangtutustos sa kanyang pamilya. Mayroon ding isang lalaki ang matiyagang dumadalaw sa isang dalaga upang bihagin ang puso nito. Malamang may isang nanay din ang nagmamadaling mailuto ang hapunan upang sa pagdating ng buong pamilya't sabay sabay na makapagsalo-salo.
Naniniwala ako na habang may ganitong mga eksena sa bawat buhay ng isang ManileƱo, isa pa ring magandang lugar ang Maynila. Panget man sa unang tingin, ngunit kung tunay mo itong kilala, hindi mo kailanman ipagpapalit sa ano mang mas maganda o mas maunlad na siyudad.
To Mako: Alam kong dito tayo lubusang nagkakaiba na pananaw ngunit bilang kaibigan, alam ko ring lubusan mo akong naiintindihan!
Mabuhay ka sapagkat muli mong napukaw ang aking isipin at kiniliti ang aking diwa. Salamat.
Friday, December 21, 2007
Manila Sucks...Not!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment