Tila wala ng katapusan
Ang pag-agos ng tubig
Sa sapang kay linis
Sa sapang kay ganda
Ngunit tagtuyo'y dumating
Tindi ng init sadyang di nakayanan
At sapa'y tuluyang natuyo
Ang tila walang katapusan
Ay tuluyan nang naglaho
Isinulat noong Nov 14, 1995
Sunday, February 22, 2004
Walang Pamagat
Thursday, February 19, 2004
Walang Pamagat
Patuloy na tumatakbo
Oras ay umaagos
Bawat sandali'y nawawala
Nilalamon ng panahon
Ngunit ako'y narito
Nakatitig, nagmamatyag
Animo'y nakahinto
Nakatigil, naghihintay
...sa wala
Isinulat noong April 16, 1995 3:09PM
Wednesday, February 18, 2004
Duwag
Binata'y nakayuko at nakalugmok sa isang tabi
Pilit sumisiksik sa madilim na silid
Kamay ay mariing tinatakpan ang tenga
Mata ay nakapikit, bibig ay nakatikom
Tila nagtatago sa liwanag na gumagapang
Mula sa isang kakapiranggot na butas
Ang tawag na naririnig ay pilit na itinatanggi
Tinig na nag-uumapaw mula sa puso ay nilulunod
Ng karuwagang bumabalot sa katawan niyang lupaypay
Nagpalamon ng tuluyan sa kapangyarihan ng kahinaan
Wala ka na binata...
Wala na
Isinulat noong January 4, 1995 10:50PM
Tuesday, February 17, 2004
Sa Pagpapatuloy...
Mahigpit kong kapit, marahang niluwagan
Mapait kong mga luha'y pinatamis ng mga alaala
Sarado kong isipan, hinayaan magkapuwang
Madilim na nakaraa'y nasinagan ng pag-asa
Sa muling pagpapatuloy ng panibagong kabanata
Tinta ng aking buhay, muli na namang dadampi
Sa pahinang naghintay at uhaw sa buhay
Tuesday, February 10, 2004
Hindi Mapakali...
Bumalikwas. Tinitigan ang blankong pahina. Umambang magsusulat. Sabay hinto. Wala talagang masabi, walang mapigang katas mula sa nanunuyong isip. Ganyan talaga pag walang pumupukaw sa isang taong mag-isip at magnilay ukol sa mga bagay. Blankong papel. Blankong utak.
Sunday, February 08, 2004
Masarap palang maging masaya muli. Nakakatuwang maramdamang muli ang pagbilis ng tibok ng puso, pag-iwas sa mga tingin, patagong pagsulyap...
Sa mga tagpong ito lumapat sa aking isipan ang katotohanang madami sa mga tao ang takot magmahal. Iilan lamang sa atin ang may lakas ng loob na ipahayag ang ating tunay na nararamdaman sa taong tunay nating minamahal. Ang hindi ko lamang maunawaan ay kung bakit ba kay rami ang natatakot na gawin ito. Masarap ipaghiyawan sa mundo na mahal na mahal mo ang isang tao. Wala na atang mas tatamis pa sa magkahawak niyong kamay, mahigpit niyong pagyayakapan at ang pagdampi ng inyong labi sa isa't isa.
Kung ang lahat lang siguro ng tao ay may lakas ng loob na isambulat na lang ang kanilang nararamdaman...baka mas masaya ang mas maraming tao. Pero hindi ito mangyayari. Laging may mga duwag na magkukubli sa dilim at habambuhay na itatago at bubulukin ang pagmamahal nila sa isang kahong puno ng pag-aalinlangan at takot. Dahil lamang sa takot?! Sayang.
Thursday, February 05, 2004
dilat ang mga mata. gising ang diwa. dumadaloy ang dugo. tumitibok ang puso.
tila may pumukaw sa aking gumising, gumalaw, kumilos... upang tahaking muli ang daang itinakda sa aking ng buhay. hindi sana makatulog muli. di sana malamon muli ng paikot ikot na kwento ng luma kong buhay. yung lang ang dasal ko. yun lang ang hiling ko.
Monday, February 02, 2004
Baliw ba Ako?
Sa aking pagbabasa ay napaisip ako... Paano nga ba ang mabuhay sa mundo ng isang baliw? Kadalasang sila ang may problema sa pananaw ng lipunan. Sila ang hindi sumusunod sa naayon, sa nararapat. Kakaiba kung kumilos. Kakatwa kung magisip. Pero sila nga ba ang may problema o baka tayo pala ang sa katotohana'y nabubuhay sa isang mundo na mundo ng mga baliw para sa kanila. Paikot-ikot. Marahil hindi ko ito masasagot. Ganyan naman palagi ang buhay. Ihaharap sa iyo ang isang palaisipan. Bahala ka na maghanap ng sagot. Kung may mahanap ka man...di mo naman alam kung tama o mali. Ngayon ko lang natutunang mabuti pala't merong "to check" sa matematiks. Kung may nakuha kang sagot, may paraan para malaman mo kung tama ang sagot mo. Sa buhay walang "pang-check". Para masagot ko siguro ang tanong ko, kailangang mabaliw ako ng kahit kaunti. Kailangang lumabas sa kahong tila pinagkulungan sa akin ng lipunan upang mas mabuhay pa ng kaunti.