Sunday, February 08, 2004

Masarap palang maging masaya muli. Nakakatuwang maramdamang muli ang pagbilis ng tibok ng puso, pag-iwas sa mga tingin, patagong pagsulyap...

Sa mga tagpong ito lumapat sa aking isipan ang katotohanang madami sa mga tao ang takot magmahal. Iilan lamang sa atin ang may lakas ng loob na ipahayag ang ating tunay na nararamdaman sa taong tunay nating minamahal. Ang hindi ko lamang maunawaan ay kung bakit ba kay rami ang natatakot na gawin ito. Masarap ipaghiyawan sa mundo na mahal na mahal mo ang isang tao. Wala na atang mas tatamis pa sa magkahawak niyong kamay, mahigpit niyong pagyayakapan at ang pagdampi ng inyong labi sa isa't isa.

Kung ang lahat lang siguro ng tao ay may lakas ng loob na isambulat na lang ang kanilang nararamdaman...baka mas masaya ang mas maraming tao. Pero hindi ito mangyayari. Laging may mga duwag na magkukubli sa dilim at habambuhay na itatago at bubulukin ang pagmamahal nila sa isang kahong puno ng pag-aalinlangan at takot. Dahil lamang sa takot?! Sayang.