Napaisip ako sa tanong na ibinato sa akin ng isang kaibigan. Hindi ko alam ang aking isasagot ng biglang pumasok ito sa kalagitnaan ng pagbabatuhan namin ng mga kwento, opinyon, kuro-kuro at samu’t saring katanungan sa isa’t isa. Sinabi ko na lang na hindi ngunit sadyang hindi ko alam kung totoo ba ang aking isinagot.
Kung sa bagay, ano nga ba ang aking nagawa na makapagsasabing isa nga akong taong may lakas ng loob na makipagsapalaran sa walang kasiguraduhan. Sadyang hindi mo matatawag na “risk taking” ang tila tuwid at makitid na daang tinatahak ko sa araw-araw. Ni minsan ay hindi ko nagawang pumili ng ibang daan, lakad lang ng lakad sa kung anuman ang inilalahad sa akin ng bawat umaga. Hindi na naghahanap ng maaaring likuan, hindi na pinapansin ang mga pintuang nasasalubong. May kasabihan ang marami na ang nagtatagumpay ay yaong mga taong may lakas ng loob na hindi pumanig sa pinaniniwalaan ng nakararami, mas umaangat ang mga taong kayang labanan ang agos ng buhay.
Walang katapusang pagsasaya sa gabing sumasaklob sa katotohanang isinasampal sa kanila ng buhay. Pagpapakabusog sa huwad na kasiyahan at paglalasing sa kababawan. Lango sa paniniwalang “they’re living life to the fullest”. Ganito mamuhay ang napakaraming tao ngayon.
Hindi ko ata kakayanin manatili sa mundong ginagalawan ng mga taong ito kung ang nakasaad sa itaas ang magiging batayan ng buhay.
Masaya ako kapag niyayakap ako ng katahimikan at kapayapaang hatid ng pag-iisa. Buo ako kapag hawak ko ang kamay ng isang minamahal. Sumasayaw ang aking imahinasyon sa bawat salitang halos umapaw mula sa aking puso sa tuwing ako’y nagsusulat. Napupukaw ang aking isipan sa oras na makipaglaro ako sa mga salitang ibinabahagi ng mahal kong mga aklat.
Pawang nakakainip para sa marami ngunit totoong buhay para sa akin. Tila walang pangamba, malamang wala ngang “risk”. Ngunit ang pagkakaroon ng lakas ng loob na manindigan sa uri ng aking pagkatao, para sa aking, ay isang “risk” na alam kong hindi kayang gawin ng marami. Isipin niyo ng boring. Pagiging totoo sa sarili naman ito para sa akin. Sa huli’y isang tunay na pagtatagumpay.
Isinulat noong May 28, 2004
0 comments:
Post a Comment