Sunday, June 27, 2004

Alay ko sa Kabataan

Kabataan isa kang malayang nilalang
Ituloy mo lang ang iyong paglalaro
Ang ibinigay sa iyong oras at sigla
Ay iyong igugol upang namnamin ang buhay

Kabataan itaas mo ang iyong noo
At idilat mo ang iyong mata't tumingin sa Silangan
Dahil sa pagsikat at pagngiti ni Haring Araw
Ang iyong kinabukasa'y kanyang ilalantad

Kabataan buksan mo ang iyong tainga
At pakinggan ang tawag ng iyong Inang Bayan
Huwag mong hayaan lunurin ng ingay at mga hiyaw
Ang paghamong maging isang mamayang may silbi sa bansa

Kabataan huwag mong ititikom ang iyong bibig
Huwag kang matakot na isambulat ang iyong nararamdaman
Hindi kailanman maaaring idahilan na mananahimik ka lamang
'Pagkat kahit isa kang paslit ay binigyan ka ng tinig upang magpahayag

Kabataan ipaglaban mo ang iyong karapatan
Huwag kailanman isusuko ito sa kadiliman
Huwag kailanman ipapasupil sa kasamaan
Isinilang ka upang matamasa ang kaligayahang bigay ng buhay

Kabataan huwag kang magkibit balikat
May angkin kang talino't talas ng isipan
May damdamin at pagmamalasakit sa mga kaganapan
Na sa malao'y bubuo rin naman sa iyong katauhan

Kabataan huwag mong ipagdadamot ang iyong mga kamay
Iabot mo ito't ialay sa kapatid mong madarapa
Hawak kamay mo siyang damayan sa kanyang paglalakbay
At sabay ninyong tahakin ang daang inihanda sa inyo

Kabataan hayaan mong umalingawngaw
Ang sigla ng halakhak at kislap ng iyong ngiti
Mga ungol at pighati ng nagdurusang nilalang
Ay patahanin at hilumin ng dala mong kasiyahan

Kabataan lusungin mo ang daang masukal
Huwag kang magpapatalo sa takot at karuwagan
Tapang at kabayaniha'y nag-uumapaw sa iyong puso
Ang siyang may lakas ng loob ang laging nagwawagi

Kabataan huwag kailan man makakalimot
Paniniwala sa dakilang Maykapal huwag maglalaho
Sa oras ng alinlangan at kahinaan ng loob
Sa kanyang puso mo mahahanap ang pag-asa't kapayapaan

Kabataan oras mo'y huwag mong sasayangin
Huwag kang mainip kung animo'y kay bagal ng buhay
Busugin mo ng kwento at alaala ang bawat sandali
Pagka't hindi habambuhay na ika'y magiging bata

Kabataan mabasa mo sana itong handog kong tula
Sana'y kahit papaano'y may naibahagi sa iyo
Nawa'y sa pagtahak mo sa daang patungo sa hinaharap
Baunin mong munting mga aral na regalo ko sa iyo




sa totoo lang, walang kakwenta kwenta 'tong tulang 'to. cliche nga kung tutuusin ngunit dahil sa isa pa rin ito sa mga nilikha ko...mabuti nang isama na rin siya rito. para sa pinsan ko, isa ka talagang alamat. LABINDALAWANG saknong (how i wish saknong meant lines) 'to ineng. ako na lang mag-aaral para sayo, ikaw ang magtrabaho. joke joke joke. peace.

Thursday, June 10, 2004

Superwoman

X-ray vision. Invincibility. Flight. Strength of 20 men combined. Speed of light.

Kay raming mga kapangyarihan ang pwedeng pagpilian. Iba’t ibang mga kakayanang pag-aagawan ng sinumang tao sa pagkatok ng unang pagkakataon. Bawat isa ay may katangiang magagamit ng ninuman upang matulungan ang mga nangangailan, ang mga mahihina, ang mga naaapi at higit sa lahat…ang iyong sarili. Tama. Sa oras na mabiyayaan ako ng kahit isa sa mga ito, unang tutulungan ko ay ang aking sarili. Saka na ang ibang tao.

Nakakapagod kapag palaging kapakanan na lamang ng ibang tao ang iyong iniisip. Nakakapanuyo ng lakas ang walang katapusang pagbibigay para sa kasiyahan ng ibang tao. Ibinibigay na sa’yo ay ipapasa mo pa sa iba dahil sa paniniwalang mas kailangan niya ito kaysa sayo. Kalokohan. Lahat tayo ay may kanya kanyang mga inaasam na kailangan nating maabot…matamo upang maging lubusang masaya. Hindi ito pagdadamot. Pagmamahal lamang sa sarili ang tawag dito. Isang bagay na matagal kong ipinagkait sa sarili.

Sa oras na matutunan mong mahalin ang iyong sarili ay saka mo lamang matutunang magmahal ng tama, magmahal ng sapat.

Ayan. Nailabas ko na. Okay na ako. Pwede ko na ulit ipagpatuloy ang walang sawa kong pagbibigay sa mga taong minahal, minamahal at mamahalin ko. Oo, ikaw yun.

Wednesday, June 09, 2004

Van Helsing vs Dracula

Nakakatawa ang mga pumapasok sa isip ng kaibigan ko. Marahil sa sobrang pagod mula sa trabaho kaya nagkakaroon siya ng ganitong panaginip. Sa mga taong hindi nakakaunawa ng trabaho sa isang Customer Service Oriented na departamento, baka hindi kayo matawa sa babasahin niyo pero sa mga taong may kaunting kaalaman at mas nakakaintindi sa aming sitwasyon...para sa inyo ang bagong kong kwento na aking ibabahagi gamit ang CASE TEMPLATE namin sa opisina.

Nature of Call : Van Helsing vs. Dracula

Cardholders Name/Caller : Jenny N Ramos
Contact no : 09164590074
Card Number : none

Details
> CSO logged in at 800am sharp for her 8-5 shift.
> As per CSO, she was able to receive 70 calls and was so exhausted that after logging out, she was immediately fetched by her father and slept on her way home. This is when the problem started.
> CSO witnessed a great battle between Van Helsing and Count Dracula, Lykan versus the Prince of Darkness. It was a bloody battle. They slashed and bit and tore each other. It was a battle which can only end with the stronger beast standing.
> CSO was so astounded by the battle but she could only think of one thing.

HOW WILL SHE LOG THE BATTLE IN APPLIX.

Customer validation done via : Forever Hanging Applix

FYI: Ang Applix ay isang system na ginagamit upang i-record ang kung ano anong pinagtatatanong at pinaghihihiling ng mga kliyente.

Sunday, June 06, 2004

Nakakainip...

Natapos din ang pinakamahabang araw ng buhay ko. Halos lahat na yata ng website ay natingnan ko na. Lahat na ata ng pwedeng idagdag sa friendster ay nadagdag ko na ngunit tila ayaw pa rin maubos ubos ang oras. Makupad siyang umuusad at lalo pang bumabagal dahil sa walang nangyayari sa bawat sa oras na dumaan. Parang pareho lang simula kaninang umaga hanggang ngayong ala sais na ng gabi. Ganun pa din. Walang pinagbago. Sa sobrang kainipan ay hindi mo aakalaing nasa opisina ako sa mga oras na 'to. Lahat na ata ng pwedeng trabahuhin ay trinabaho ko na. Lahat ng email ay nabasa ko na. Lahat ng papel ay naayos ko na ata. Kulang na lang ay pagpatong-patungin ko sila ng pantay pantay. Ganyang kasaklap ang araw na ito.

Bukas...sana'y maging mas maganda ang aking araw. Bukas sana ay magdala ang panibagong araw ng pag-asa at tunay na kasiyahan. Excited na ako.