Kabataan isa kang malayang nilalang
Ituloy mo lang ang iyong paglalaro
Ang ibinigay sa iyong oras at sigla
Ay iyong igugol upang namnamin ang buhay
Kabataan itaas mo ang iyong noo
At idilat mo ang iyong mata't tumingin sa Silangan
Dahil sa pagsikat at pagngiti ni Haring Araw
Ang iyong kinabukasa'y kanyang ilalantad
Kabataan buksan mo ang iyong tainga
At pakinggan ang tawag ng iyong Inang Bayan
Huwag mong hayaan lunurin ng ingay at mga hiyaw
Ang paghamong maging isang mamayang may silbi sa bansa
Kabataan huwag mong ititikom ang iyong bibig
Huwag kang matakot na isambulat ang iyong nararamdaman
Hindi kailanman maaaring idahilan na mananahimik ka lamang
'Pagkat kahit isa kang paslit ay binigyan ka ng tinig upang magpahayag
Kabataan ipaglaban mo ang iyong karapatan
Huwag kailanman isusuko ito sa kadiliman
Huwag kailanman ipapasupil sa kasamaan
Isinilang ka upang matamasa ang kaligayahang bigay ng buhay
Kabataan huwag kang magkibit balikat
May angkin kang talino't talas ng isipan
May damdamin at pagmamalasakit sa mga kaganapan
Na sa malao'y bubuo rin naman sa iyong katauhan
Kabataan huwag mong ipagdadamot ang iyong mga kamay
Iabot mo ito't ialay sa kapatid mong madarapa
Hawak kamay mo siyang damayan sa kanyang paglalakbay
At sabay ninyong tahakin ang daang inihanda sa inyo
Kabataan hayaan mong umalingawngaw
Ang sigla ng halakhak at kislap ng iyong ngiti
Mga ungol at pighati ng nagdurusang nilalang
Ay patahanin at hilumin ng dala mong kasiyahan
Kabataan lusungin mo ang daang masukal
Huwag kang magpapatalo sa takot at karuwagan
Tapang at kabayaniha'y nag-uumapaw sa iyong puso
Ang siyang may lakas ng loob ang laging nagwawagi
Kabataan huwag kailan man makakalimot
Paniniwala sa dakilang Maykapal huwag maglalaho
Sa oras ng alinlangan at kahinaan ng loob
Sa kanyang puso mo mahahanap ang pag-asa't kapayapaan
Kabataan oras mo'y huwag mong sasayangin
Huwag kang mainip kung animo'y kay bagal ng buhay
Busugin mo ng kwento at alaala ang bawat sandali
Pagka't hindi habambuhay na ika'y magiging bata
Kabataan mabasa mo sana itong handog kong tula
Sana'y kahit papaano'y may naibahagi sa iyo
Nawa'y sa pagtahak mo sa daang patungo sa hinaharap
Baunin mong munting mga aral na regalo ko sa iyo
sa totoo lang, walang kakwenta kwenta 'tong tulang 'to. cliche nga kung tutuusin ngunit dahil sa isa pa rin ito sa mga nilikha ko...mabuti nang isama na rin siya rito. para sa pinsan ko, isa ka talagang alamat. LABINDALAWANG saknong (how i wish saknong meant lines) 'to ineng. ako na lang mag-aaral para sayo, ikaw ang magtrabaho. joke joke joke. peace.
Sunday, June 27, 2004
Alay ko sa Kabataan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment