Tuesday, March 01, 2005

On Personal Legends and Life

Sinimulan kong magbasa ng The Alchemist na isinulat ni Paolo Coehlo noong isang linggo. Pagkatapos ng ilang araw, natapos ko rin. Nabasa ko na yung Veronika Decides to Die at By the River Piedra... pero hindi ko pa nabasa ang ultimate at "beloved book" niya til now. Hindi ko pa tapos pero it has stirred my curiosity and has started making me think about a lot of things...especially about finding one's own Personal Legend.

Ano nga ba ang Personal Legend? Sabi ni Coehlo, ang bawat nilalang ay may kanya kanyang Personal Legend. Tinitukoy nito ang isang bagay na pinakananais mo na makamit sa iyong buhay. Para sa pangunahing tauhan na si Santiago, ang makapaglakbay at mahanap ang kanyang kayamanan ang kanyang Personal Legend. Matagal kong pinilit inisip kung ano ang aking Personal Legend. Makapaglakbay din ba? Mabasa ang lahat ng libro ng gusto kong basahin? Makasama panghabambuhay ang aking pinakamamahal? Inisip ko ng inisip at ngayong isinusulat ko ito...pakiwari ko'y alam ko na ang sagot.

Ang mabuhay ng simple at tahimik. Yan ang aking pinakananais na makamit sa aking buhay. I never dreamed of greatness. I never wanted riches. Ang magkaroon lamang ng sapat ang tunay na magpapaligaya sa akin. Having too much brings complications. I never want complications.

"Maktub". It has been written. Yan ang kadalasang isambit sa libro. Kumbaga, naisulat o naitakda na ang mga bagay sa iyong buhay. Parang mahirap paniwalaan no?

Hindi ako kailanman naniwala na may mga bagay sa mundong ito na sadyang itinadhana sa isang tao. Para sa akin, kung sino at anuman ang iyong makasalubong sa paglalakbay mo sa iyong buhay, sadyang pagkakataon lamang ito. Magbubunga at magyayabong lamang ang pagtatapo at pagsasamahan at makakamit ang mga ninanais kung ito ay iyong paghihirapan. Kahit na ba itinadhana sa iyo ang isang bagay, kung hindi ka kikilos upang ito ay makamit, sadyang hindi mo ito matatamo.

Sadyang maraming tao ang pilit umiintindi sa buhay. Marami na ang naisulat upang bigyang liwanag ang mga misteryo nito. Ngunit sa dinami dami ng naigugol na panahon para intindihin ito, tuloy pa ring hindi nasasagot ang maraming katanungan ng tao ukol sa kanyang buhay. Marami pa rin ang nangangapa sa bawat paghakbang niya sa daang kanyang tinatahak. Kung sa bagay, ano pa nga ba ang ikagaganda ng buhay kung alam mo na ang lahat ukol rito? Ano pa ang saysay kung wala na ang misteryo?

0 comments: