...mas madali lang siguro magsulat tungkol sa mga masasalimuot na bagay. mas matindi ang nararamdaman. mas mabigat ang nais mong isambulat sa mundo. madaling ipakita na masaya ka. tatawa ka lang, pwede na. pag malungkot ka, parang gusto mong umiyak, magmukmok, magwala o di kaya'y manahimik na lamang. minsan, mahirap umiyak kung malungkot ka. mahirap pilitin ang mga luha na dumaloy lalo na't tuyo na't wala ng mailalabas pa ang iyong namumugtong mata.
Friday, January 30, 2004
Wednesday, January 28, 2004
Pagpapatuloy ng kwento ni Sara
Napaisip si Sara sa inakala niya’y huling sandali ng kanyang buhay. Nawala ang takot na bumalot sa kanya at napalitan ng pagpayapa ng kanyang isipan. Ang mabahong basura at mga nakatambak ng kahon ay naglaho at sa unang pagkakataon ay naramdaman niya na siya nga ay lubusang nag-iisa na. Wala ng ang mga mata na kung makatitig ay halos hubdan ang kanyang katauhan. Isang uri ng pag-iisang hindi kahalo ay lungkot kundi pag-iisang katambal ng kapayapaan ng sarili.
Sa paglipas ng takot ay parang dumaan ang mga pira-piraso ngunit ‘di malilimutang kwento ng buhay sa isipan ng isang Sara. Isang Sara na kaunti lamang ang may kilala. Isang Sara na piniling tumira sa isang mundong maliit, masikip at madilim.
Ang buhay ni Sara…isang pagkakalugmok sa animo’y isang kumunoy. Habang siya ay nagpupumiglas, lalo lamang siyang nilalamon ng lupa. Kay tagal niyang nakalubog sa putikang yaon. Natabunan ng dumi at lusak ang kanyang diwa na nagpalimot sa kanya na siya ay nabubuhay pa pala. Ang dugong dumadaloy sa kanyang mga ugat ay halos malamig na’t hindi na maramdaman ng kanyang puso. Nabubuhay siya ngunit tila buhay ng isang patay ang kanyang ginagampanan. Isang manyikang de susi na pinagagalaw at kinokontrol ng pag-agos ng buhay na hindi niya nais sabayan.
Sunday, January 25, 2004
Si Ana
...minsan sadyang hinahagupit ang buhay ng tao. hindi lahat ng inaalagaan ay yumayabong, hindi lahat ng minamahal ay mamahalin ka ring pabalik. ganyan lang talaga ang buhay. kung minsan, kailangan lang talagang matutong tanggapin ang pait na paminsang matitikman ng ninuman upang masabing ikaw nga ay nabubuhay.
Malanta man o di ka man niya mahalin, walang kailangang ikahinayang. Kailanman ay hindi sayang ang magmahal ng lubos at totoo.
Tinitigan ni Ana ng matagal ang nalalatanta niyang halaman. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lamang namatay ang kanyang alaga. Araw araw naman niya itong dinidiligan upang maging malusog at magbunga ng mga magagandang bulaklak. Lagi niya ring binubungkal ang lupa upang siguraduhing hindi kulob ang mga ugat nito. Sinisiguro niyang sapat lamang na oras ang pagbilad niya rito sa araw upang hindi mabilis matuyo at malanta. Pero tila kulang pa yata ang lahat ng ito dahil kulubot, kulay kape at halos wala ng buhay ang alaga niyang halaman.
Ibinuhos ni Ana ang oras at atensyon niya sa halamang yaon. Siniguro niyang walang oras na napapabayaan ito sapagkat alam niyang sa pamamagitan lamang nito masisiguro na magiging malusog at sadyang maganda ang kanyang halaman. Minsan nga’y mas matagal pa ang oras na iginugugol niya rito kaysa sa mga tao sa kanyang paligid. Mas masaya kasi siya pag nakikita niya palagi ang kanyang halaman, hinihintay na ito ay mamulaklak, kaya’t paminsan na lamang siyang lumalabas upang makipag-usap sa nanay at tatay niya, pati na rin ang makipaglaro sa mga batang nasa labas ng bahay nila.
Isang araw, nagising si Ana at napansing maganda ang panahon. Naisip niyang ilabas ang kanyang halaman upang paarawan ito. Pagkatayo pa lamang niya ay kaagad niyang pinuntahan ang alaga niya. Laking gulat niya ng mapansing may mga tumubong ligaw na damo sa paso ng kanyang halaman. Nagtaka si Ana sapagkat araw-araw naman niyang binubungkal ang lupa at wala naman siyang napasin na mga patubo pa lamang na damo. Agad niya itong hinugot dahil alam niyang hindi ito makakabuti para sa kanyang halaman.
Sumunod ang ilan pang mga araw at laking pagtataka ni Ana dahil araw-araw na lang niyang nakikitang may mga damong ligaw sa paso ng kanyang halaman. Hila rito at hila roon ang ginawa niya ngunit tila hindi na niya mapigil pa ang pagtubo at pagdami ng mga naliligaw na damo. Hanggang sa lumaon ay napagod na siya at tumigil na lamang sa paghila sa pag-aakalang pwede naman niyang ipagpabukas ang pagbunot ng mga natira.
Hindi nakatulog ng mabuti si Ana nung gabing yaon. Sa paggising niya ay agad niyang naisip ang alaga niyang halaman. Napasigaw na lamang siya ng bigla na lang niyang nakitang namatay na ito. Natabunan na ito ng napakaraming damo at ni hindi na niya halos makilala pa ang dating maganda niyang alagang halaman. Umiyak siya ng umiyak at pinilit tanggalin ang mga damo. Diniligan niya ito, pagkatapos ay binungkal pa ang lupa upang makahinga ang mga ugat nito. Pero huli na ang lahat. Patay na ang pinakamamahal niyang halaman at kahit na ano pa ang gawin niya ay hindi na niya ito mabubuhay pa. Malungkot na malungkot si Ana sapagkat hindi niya maunawaan kung bakit namatay ang halamang pinaghirapan niyang alagaan upang mabuhay at lumaki. Inisip niya ang panahon at hirap na iginugol niya dito na napunta lamang sa wala.
Thursday, January 22, 2004
Obra ni Jenny
"mga matang nakatitig sa akin. nakakapraning. nakakapraning"
ngayong araw na ito...sadyang wala lang talaga siguro akong masabi. pagod marahil ang aking isip. patay ang diwa. kaya eto't itinatampok ko ang obra ng aking isang kaibigan. para sa yo to!
Wednesday, January 21, 2004
Pahinga
Mahirap din pala kapag masyado kang maraming iniisip. Nakakapagod din pala kapag pakiramdam mo palagi ay may animong misyon ka sa buhay na kailangan mong hanapin, abutin at tupdin upang masabi mong tunay ngang ganap na ang iyong buhay. Minsan, masarap din palang magwalang bahala at hayaang makipaglaro ang iyong isipan sa mga mabababaw at simpleng bagay. Marami akong kilala na tulad ko'y walang tigil din ang paghahanap ng kasagutan sa tunay na halaga nila sa mundo. Hindi ko lang alam kung napapagod din sila kung minsan. Marahil. Malamang.
Mas magiging masaya siguro ang mga tao kung lahat ay matututo lamang na magpahinga mula sa mga pasanin nila sa buhay. Walang masama sa pagtigil sa pakikipaghabulan sa oras, sa panahon at sa mismong buhay. Kailangan din nating tumigil...lumingon...magmatyag...at yakapin ang katahimikang lagi namang nandyan ngunit pakiwari nati'y hindi halos bahagi ng ating buhay.
Kasabay ng aking pagsusulat ang pakikinig sa isang kantang matagal ng naging bahagi ng aking buhay ngunit tila ngayon ko lamang ulit nakilala. Salamat sa taong unang nagpakinig sa akin sa kantang ito. Tila iniligtas mo ako sa pagkakalunod sa kasalimuotan ng aking buhay. Salamat. Nakapagpahinga rin ako, sa wakas.
Pakikibakang Pambata
Taong 2000, taon ng bagong henerasyon, taon ng kabataan. Taon rin sana ng pagkamulat para sa mga nakatatanda at pag-alab naman damdamin at isipan para sa kabataan.
Tunay na umaalingawngaw at mas pinakikinggan na ang tinig ng kabataan ng lipunang umaruga sa kanila’t kanilang ginagalawan. Tulad ng lahat, kinikilala sila ng batas at ng estado bilang mga taong may dignidad at pinahahalagahan sa pamamagitan ng mga karapatang kanilang tinatamasa’t maaaring ipaglaban. Dala na rin ng kanilang kamusmusan at kahinaan madalas silang masaktan ng masaklap at mapang-aping katotohan. Kaya nga’t ipinahayag at itinalaga hindi lamang ng Pilipinas kundi ng United Nations (UN) ang ilang mga batas at kautusan upang bigyang diin ang kahalagahan ng pagkatao at karapatan ng mga paslit upang sila’y mabigyang proteksyon laban sa mga pang-aabuso at kapabayaang maaaring nilang danasin sa kamay ng masalimuot na mundo.
Taong 1924, idineklara ng Assembly of the League of Nations,kilala ngayon bilang UN, ang Declaration of Geneva o ang Declaration of the Rights of the Child. Ito ay hindi isang batas kundi isang pahayag ng pagkilala ng iba’t ibang nasyon sa kahalagahan ng pagbibigay proteksyon sa kabataan. Sumunod pa rito ang ilang mga deklarasyon tulad ng Universal Declaration of Human Rights noong Desyembre 10, 1948 at Declaration of the Rights of the Child noong Nobyembre 20, 1959. Ang una’y pawang karapatang pantao ng lahat ang ipinahayag at hindi partikular na pambata samantalang ang huli nama’y pag-ulit lamag ng nabanggit sa Declaration of Geneva na may karagdagang paglilinaw at pagpapalawak. Binigyang diin nito ang kapakanan at pangangailangan ng mga bata sa aspetong pang-ekonomiya, sikolohikal at panlipunan.
Naisabatas lamang ang mga karapatang ng mga bata sa pagkakagawa ng Convention on the Rights of the Child (CRC) noong Nobyembre 20, 1989. Naging kakaiba ito sa lahat ng mga naunang deklarasyon sapagkat ito ay bukas upang tanggapin ng lahat ng bansa para maratipikahan sa kani-kanilang estado. Ayon sa librong Looking After Filipino Children, “It is the first legally binding international instrument which incorporates the full range of human rights (civil, political, economic, social and cultural) of children”. Kilala rin ito ngayon bilang Charter of the Rights of the Child. Sa kasalukuyan, ito ay nilagdaan na’t niratipikahan ng lahat ng estado maliban na lamang sa Estados Unidos na pumirma lamang upang ito’y kilalanin at sa Somalia na hindi man lamang lumagda rito.
Napapaloob sa CRC ang mga karapatan ng bata ayon sa apat na kategorya: karapatang mabuhay o survival, umunlad, proteksyon at partisipasyon. Tumatalakay ang unang kategorya sa karapatan ng bata na mabuhay sa pamamagitan ng pagbibiigay ng pangunahing pangangailangan at sapat na pag-aalaga. Ito ay sinisiguro sa pamamagitan ng pagtatalaga ng naaayong “standard of living”, paglinaw sa responsibilidad ng mga magulang, pagbibigay diin sa karampatang nutrisyon at seguridad para sa lahat ng bata kahit na siya ay mula pa sa grupong minoridad, may kapansanan man ito, o kahit na “refugee” pa. Sa kategoryang pag-unlad o development, idinidiin naman ng CRC ang kalayaan ng mga bata sa pag-iisip, konsensya at relihiyon pati na rin ang karapatang makatanggap ng nararapat na impormasyon at pantay na oportunidad upang makapag-aral at makapaglibang. Sa aspeto ukol sa proteksyon naman, itinatalaga ng CRC ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng pangalan upang matamasa niya ang benepisyo ng kanyang mga karapatan. Binigyang linaw din ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng estado ng proteksyon laban sa pang-aabuso, kapabayaan, kaguluhan, at eksploytasyon. Nakatalaga rin dito ang mga usapin at batayan ukol sa pag-aampon, pagtatrabaho ng mga bata, pagkalulong sa droga, “juvenile justice”. Ang karaptan sa partisipasyon ay tumatalakay sa karapatan ng mga bata na makapagpahayag ng sariling pananaw, kalayaang maipahayag ang sarili at ang “freedom of association”. Sa kabuuan, ang mga estadong kasama o bahagi ng CRC ay may legal at moral na obligasyon na ipaglaban ang karapatan ng mga bata sa pamamagitan ng ehekutibo, lehislatibo at hudisyal na kapangyarihan nito at sa iba pang paraan.
Sa loob naman ng bansang Pilipinas, unang kinilala ang mga bata at ang kanilang karapatang sa Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagkilala sa karapatan at obligasyon ng mga magulang na alagaan at palakahin ang kanilang mga anak at pagsiguro na mabigyang proteksyon ang mga bata mula sa anumang uri ng pang-aabuso, kapabayaan at eksploytasyon. Simula pa lamang sa Konstitusyon noong 1935 hanggang sa kasalukuyan, ganito pa rin ang pagkilala sa mga bata maliban lamang sa pagkilala sa karapatan ng mga sanggol na nasa sinapupunan pa lamang ng kanilang mga ina na mabuhay at ang pagbibigay ng espesyal na proteksyon para sa mga bata na idinagdag sa Konstitusyon ng 1987.
Ilan ring mga Presidential Decree at Republic Acts ang naipasa’t naitalaga upang lalo pang tumugon sa kapakanan ng mga bata. Pinakatampok rito ay ang Presidential Decree No. 603 (PD 603) na kilala bilang “The Child and Youth Welfare Code”, Republic Act No. 7610 (RA 7610) o ang “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act) at ang Republic Act No. 7658 (RA 7658) o “An Act Prohibiting the Employment of Children Below Fifteen Years of Age.
Ayon sa PD 603, pinakamahalagang aspeto ng isang nasyon ang bata at nararapat lamang na gawin ng estado ang lahat ng makakaya nito upang mapangalagaan ang kapakanan nito bilang tao. Kinikilala nitong bata ang sinumang tao na may edad 20 pababa. Sa ngayon, nabago na ang batayang sa pamamagitan ng Republic Act No. 6809 na kumikilala sa isang tao bilang isang menor de edad kung siya ay 17 gulang at pababa. Naitatag ang Council for the Welfare of Children mula rito at nabigyan ng kapangyarihan na masiguro ang pagpapatupad sa mga batas para sa mga bata at bumuo ng mga programang tutugon sa kanilang pangangailangan.
Ang RA 7610 naman ang nagbibigay ng proteksyon sa mga bata laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso, kapabayaan, eksploytasyon at diskriminasyon. Binigyan nito ng depinisyon ang pang-aabuso at nilinaw kung kailan ito matatawag na pang-aabuso at kinilala pati na rin ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso’t eksploytasyon. Nakatakda rin dito ang karamptang parusa para sa mga taong lalabag sa nasabing batas. Tinatalakay rin sa RA 7610 ang karapatan ng mga bata na miyembro ng mga “indigenous communities” laban sa diskriminasyon. Kinikilala ng pamahalaan ang kanilang tradisyon sa pamamagitan halimbawa ng alternatibong uri ng edukasyon na mas angkop sa kanilang uri ng pamumuhay. Binibigyan din ng kalayaan ang batang hindi tatanda sa 15 taong gulang na makapagtrabaho sa kondisyong mayroong itong permiso mula sa Department of Labor and Employment, sisiguruhin nito ang kalusugan, katiwasayan at patuloy na pagtanggap nito ng kaalaman tulad ng bokasyonal na edukasyon.
Ngunit sa paglagda at pagpapatupad sa RA 7658 noong Hulyo 26, 1993, ipinagbawal na ang pagtatrabaho ng sinumang bata na may edad 15 pababa. Hahayaan lamang ang mga ito kung sila ay nagtatrabaho sa ilalim o may pahintulot ng kanilang mga magulang, kung ang kanilang gawain ay hindi sa anumang paraan nagbabanta sa kanilang kalusugan at normal na paglaki’t pagtanda at kung patuloy silang nakakapag-aral.
Sadyang marami pang ibang mga batas na napapaloob sa ating bansa. Ang mga nabanggit ay yaong mga pinakatampok lamang. Iba’t iba ang kanilang itinatalaga upang masiguro na nasa mabuting pangangalaga ang mga bata. Sa dami ng mga batas na ito, nakalulungkot nga lang isipin na daan pa rin ang mga batang nasa lansangan na nanlilimos. Kay rami pa ring mga bata ang patuloy na inaabuso’t hindi makapagsumbong sa kinauukulan. Marami na ang paraang ginawa’t ginagawa upang ang kamusmusan ng kabataan ay patuloy na manatili sa kanila’t puso at pagkatao ngunit sadyang marami pa ring mga nakatatanda ang bulag sa hinaing ng mga paslit. Tawag ng laman at materyal na mundo ang kanilang prayoridad. Hindi kaya ng mga bata na tumayo sa sarili nilang mga paa lamang. Kailangan nila ang tulong at paggabay ng mas nakatatanda. Ayon nga sa Declaration of Geneva, “The child that is hungry must be fed; the child that is sick must be helped; the child that is backward must be helped; the delinquent must be reclaimed; and the orphan and the waif must be sheltered and succored”. Nawa’y atin itong magawa.
isinulat para sa Ang Pahayagang Plaridel (De La Salle University)
Monday, January 19, 2004
Walang Pamagat
December 22, 2003
Sinilip ni Sara kung sumusunod pa rin ang lalaking humahabol sa kanya. Halos di na niya mahabol ang kanyang hininga ngunit hindi siya maaaring tumigil dahil baka sinusundan pa rin siya ng di kilalang taga-usig. Pakiramdam niya ay nasa likuran pa rin niya ito at parang hubad siyang pinagmamasdan ng mga mata nito. Wala na siyang malulusutan sa masikip at maruming eskinitang kanyang pinasok. Dead end. Pinilit na lang niyang isiniksik ang kanyang sarili sa mga kahong puno ng basura na nakatambak rito.
Tila naririnig niya ang papalapit na yabag. Mabagal ngunit mabibigat na mga mga yapak. Palakas ng palakas. Nakabibingi ang mga alingawngaw na ginagawa ng bawat hakbang. Nagbabadya ng tila isang malagim na katapusan.
Tinakpan na lang ni Sara ang kanyang mukha sa pag-aakalang maitatago siya nito. Hindi na niya alam ang kanyang gagawin. Pakiramdam niya, anumang oras ay may bigla na lang hahablot sa kanya. Pakiwari niya’y bumubulusok ang bawat paghingang kanyang gawin na para bang lumulunod sa kanya. Ang mabilis na pagdagundong ng kanyang puso ang tila pumupuno sa katahimikang bumalot sa gabing yaon.
Sunday, January 18, 2004
mayroong mga bagay na minsan masarap lang pakinggan...masarap lang damhin. hindi mo na kailangan magsabi pa ng kahit ano. makinig ka lang at parang nasabi mo na ang lahat lahat. hindi kailangang may maisulat palagi para maibuhos mo ang naguumapaw na emosyon. minsan, mas maigi pang huminto, tumigil at makinig na lamang.
Clocks
Coldplay
Lights go out and I can't be saved,
Tides that I tried to swim against,
You've put me down upon my knees,
Oh I beg, I beg and plead (singing),
Come out of things unsaid, shoot an apple of my head (and a),
Trouble that can't be named, tigers waiting to be tamed (singing),
You are, you are
Confusion never stops, closing walls and ticking clocks (gonna),
Come back and take you home, I could not stop, that you now know (singing),
Come out upon my seas, curse missed opportunities (am I),
A part of the cure, or am I part of the disease (singing)
You are
And nothing else compares,
Oh no nothing else compares,
And nothing else compares
You are
Home, home, where I wanted to go
Saturday, January 17, 2004
Bagsak!
Ni Michelle Villegas
October 1, 2003
Nakakatawang isipin na hindi ko alam ang dapat kong gawin ngayon. Para bang lahat ay huminto na sa harapan ko at ayaw nang umusad pa ng kahit na ano. Walang laman ang aking isipan at walang magawa ang aking katawan. Pawang takot, gulo at pangamba ang aking nararamdaman. Parang kay bigat at kay gulo. Hindi ko maintindihan at lalong hindi ko mailabas. Sa pagtitig ko sa bawat letra ng aking isinusulat ay para bang pagsikip ng aking katawan ang katumbas ng bawat pindot ko sa mga teklado.
Ilang taong akong pinagpawisan at iginapang ng mga taong umaasa sa aking tagumpay. Kay raming oras ang aking iginugol para lamang makaraos ako sa bawat hakbang, sa bawat taon ngunit parang ang pakiramdam ko ay walang nangyari sa lahat ng ito. Puro tanong pa rin ang laman ng aking utak at tila wala akong mahanapan ng mga sagot. Kung sino-sino na ang aking pinagtanungan. Napakarami nang mga pag-uusap at diskusyon ang naituon para lamang malaman ko ang dapat kong gawin ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin akong mailagay sa mga pahina ng aking buhay.
Ano ba ang dapat kong gawin? Ano na ba ang susunod na hakbang? Ganito ba talaga ang totoong buhay? Tila ang dami ng naisulat ukol dito ngunit aking pakiwari ay wala pa rin talagang may alam kung ano ba talaga ang dapat gawin dito. Kapag akin ngang naiisip, nakakainggit ang aking mga kaibigan at kakilala. Tila alam nila ang sagot sa kanilang mga tanong. At parang alam din nila kung saan sila tutungo. Lahat sila ay parang walang pangamba, patuloy lang nilang pinaiikot ang gulong ng buhay na para bang wala silang mabubunggong pader. Samantalang ako, heto at nabunggo na. Madami nang tumulong pero hindi ko pa rin alam kung saang direksyon ko padadaanin ang agos ng aking buhay.
Bakit ko pa kasi dapat piliin ang aking nais na daan kung hindi rin pala ako makakadaan dito? Bakit pa nila dapat gumawa ng mga kalye na hindi naman pala makakarating sa dapat nitong patunguhan. Nakakatawa rin ang mga institusyon ng kaalaman na wala namang palang tunay na nalalaman at maibabahaging karunungan sa oras na ikaw ay makatapos at makaalpas sa kanilang pagmamanman. Kakalabas ko pa lamang sa bakod ng higanteng tampulan ng katalinuhan ngunit bakit tila wala silang ibinigay na mapa na makapagtuturo sa akin kung saan ba ang daan patungo sa kalyeng aking pinasukan. Kung sa bagay, naituro naman kasi nila sa akin na kadalasan nga ay hindi mo naman talaga dadaanan ang pinili mong daan. Pero ayan pa rin sila at pilit na isinasaksak sa aking isip na sundin ang aking nais at piliin ang gusto kong patunguhan. Itinuturo pa nila kung ano ang itsura nito at kung sino ang mga nakatira dito ngunit tila hindi nila ibinigay sa akin ang direksyon patungo rito. Nakakainis. Nakakapikon.
Saan na ba talaga ngayon ako pupunta? Paano ko nga ba mararating ang gusto kong marating? Gusto kong himayin ang bawat detalye ng aking problema para maliwanagan ako pero saan ako magsisimula? Ano ba ang dapat kong bigyan ng pinakamatimbang na halaga?
Magiging presidente ako ng Pilipinas. Ayan ang ipinangalandakan ko sa lahat. Mula pa noong ako ay bata, gusto kong makapagsilbi sa aking sariling bansa. Isinumpa ko sa aking sarili na ang lahat ay ibubuhos ko hindi para sa kung sino mang dayuhan kundi para lamang sa aking mahal na bayan. Marami ang natawa, natuwa, namangha at nagtaka sa aking paninindigan. Sabi ng ilan, "Walang mangyayari sa pangarap mong yan! Wag kang tanga!". Ayon naman sa iba, "Ang galing mo naman, bibihira ang may ganyang uri ng paniniwala at dedikasyon." Meron namang iba na nagsabing, "Ganyan din ang narinig ko sa tatay mo. Manang-mana ka talaga dun.". Madami man silang sinasabi ay hindi ko pinansin ang kahit isa sa mga ito. Ang mahalaga sa akin ay masaya ako tuwing naiisip at sinasabi ko ito at lalo lamang tumibay ang aking paniniwala na ito ay kaya kong maabot. Kay sarap maging bata. Tila lahat ay posible para sa akin. Naniwala ako na kaya kong maging isang pangulo. Ang akala ko ay matutupad ko ang aking pangarap dahil ako'y may angking talino at kakayahan na hindi ko nakikita sa iba.
Malaon pa'y lalong tumindi ang paniniwalang ito kasabay ng pag-usbong ng pag-aakalang kaya kong maging isang manunulat. Mahusay akong magsulat. Kaya kong ilabas ang nasa aking isipan at ang aking mga nararamdaman sa pamamagitan ng lapis at papel. Mahusay akong gumamit ng mga salitang mabulaklak at kaya kong ipahiwatig ang aking mensahe sa pamamagitan ng madamdaming mga pangungusap. Alam ng halos lahat na ako nga ay sadyang mahusay at marami ang naniwala na ito'y akin ring maabot. Kahit ako ay naniwala. Itinuon ko ang aking buhay para sa mga pangarap na ito.
Hindi ko akalaing gugulo ang buhay na kay tagal kong pinaghandaan. Hindi ako makapaniwala na sa dami ng aking mga pinangarap, kahit isa ay hindi ko yata matutupad. Ang lahat ng bagay ngayon ay para bang malabo, nababalot ng ulap at ng kadiliman.
Maniniwala ba kayo kung aking sabihin na ang institusyong inakala ko'y magbibigay linaw sa aking buhay ay ang mismong sisira sa lahat ng aking mga pangarap. Nakakatawang isipin ngunit ang lahat ng ito ay totoo.
Katangahan para sa aking ang mga pagsusulit, mga eksaminasyon na sumusukat sa kaalaman ang isang tao. Kapag ikaw ay kinapos sa grado, bagsak ka. Hindi ka makakapasok sa nais mong puntahan, hindi ka maaaring tumuloy sa daang gusto mong tahakin. Bagsak ka kasi. Hindi mo naipasa ang pagsusulit, ang tanging nagtatakda ng iyong buhay. Handa ako sa mga paghuhusga. Sigurado akong marami ang magsasabi na, "Kawawa naman siya, hindi kasi nakapasa kaya inilalabas na lamang niya ang kanyang hinanakit sa pamamagitan ng pagsusulat." Ang sagot ko lamang dito ay, "Talaga!" Talagang ibinubuga ko ang lahat ng ito dahil sa sakit ng aking nararamdaman. Nasira ang aking mga pangarap dahil dito kaya dapat lamang na ako ay maghumiyaw at magwala dahil sa masamang-masama ang aking loob. Ang sinumang magsabi na kaawa-awa ako ay tama sapagkat napagkaitan ako ng pagkakataon na matupad ang aking mga binuong plano dahil lamang sa isang pirasong papel na puno ng mga katanungan hindi naman mapapakinabangan sa buhay. Sigurado akong kahit na sino ay mararamdaman ito sa oras na mangyari ang ganitong pagkakataon sa kanya. Mapagkunwari lamang ang magsabing dapat na lamang itong kalimutan at umusad na lamang, dahil ANO PA ANG SUSUNOD NA HAKBANG KUNG ANG DAPAT NA SUMUNOD AY NAKASALALAY SA PAGSUSULIT NA IYONG IBINAGSAK!
Ang lahat ay nawasak, ang lahat ay nabuwag dahil lamang sa isang eksaminasyon na nagsasabi kung ikaw ay nararapat o di nararapat para sa isang bagay. Hindi naman talaga nito kayang alamin ang kakayahan ng isang tao dahil sa hindi nito kayang unawain ang kabuuan ng nino man. Kailanman ay hindi masasabi ng isang pagsusulit ang nilalaman ng puso ng isang tao. Hindi nito masusukat ang tindi ng iyong pagkauhaw upang magawa ang isang bagay na matagal mo ng pinangarap. Kung tanungin ka ng “What is the square root of 357 divided by the cube root of 9”, matatanto ba mula sa iyong sagot na higit pa sa iyong buhay ang iyong kayang ibigay upang maabot lamang ang iyong mga pangarap? Hindi!
Friday, January 16, 2004
Tapilok
September 26, 2003
Mabilis. Mabilis. Pabilis pa ng pabilis
Hindi lumilingon. Hindi humihinto
Dire-diretso lang, hindi lumiliko
Takbo lang ng takbo sa daanang napili
Nagmamadali, hindi naman hinahabol
Kumakaripas, wala namang humahabol
Ngunit sa bulag na pagtahak, hindi napuna
Isang maliit na batong nakaharang sa daan
Halos hindi napansin, ni hindi nga makita
Ngunit animo’y nakaambang at naghihintay
Isang sigaw, sabay dapa kasabay pagbagsak ng luha sa lupa
Pawang sakit ng isang sugat ang biglang gumising sa’kin
Napahinto sa pagtakbo, napatingin sa aking paligid
Tapilok lang pala ang kailangan upang ako ay matauhan
Thursday, January 15, 2004
...ito ang unang pahina ng aklat ng aking buhay. ang sabi ng marami, kung nais mong maibigan ng mga mambabasa ang iyong kwento, sa unang pahina pa lamang ay dapat mo ng mapukaw ang kanilang isipan, ang kanilang damdamin.
...simple lamang ang nais kong iparating sa sinumang makakabasa nito. isa akong nilalang na pilit naghahanap ng kakaramput na pag-asang mauunawaan ko ang kahulugan ng aking buhay. sigurado akong kahit ikaw ay ito rin naman ang hinahanap kaya't sana'y basahin mo rin ang nilalaman ng aking puso't isipan at samahan ako sa aking paghahanap at paglalakbay sa minsa'y magulo, malungkot ngunit masayang kwento ng buhay ko.
- mitch -