Monday, January 19, 2004

Walang Pamagat
December 22, 2003


Sinilip ni Sara kung sumusunod pa rin ang lalaking humahabol sa kanya. Halos di na niya mahabol ang kanyang hininga ngunit hindi siya maaaring tumigil dahil baka sinusundan pa rin siya ng di kilalang taga-usig. Pakiramdam niya ay nasa likuran pa rin niya ito at parang hubad siyang pinagmamasdan ng mga mata nito. Wala na siyang malulusutan sa masikip at maruming eskinitang kanyang pinasok. Dead end. Pinilit na lang niyang isiniksik ang kanyang sarili sa mga kahong puno ng basura na nakatambak rito.

Tila naririnig niya ang papalapit na yabag. Mabagal ngunit mabibigat na mga mga yapak. Palakas ng palakas. Nakabibingi ang mga alingawngaw na ginagawa ng bawat hakbang. Nagbabadya ng tila isang malagim na katapusan.

Tinakpan na lang ni Sara ang kanyang mukha sa pag-aakalang maitatago siya nito. Hindi na niya alam ang kanyang gagawin. Pakiramdam niya, anumang oras ay may bigla na lang hahablot sa kanya. Pakiwari niya’y bumubulusok ang bawat paghingang kanyang gawin na para bang lumulunod sa kanya. Ang mabilis na pagdagundong ng kanyang puso ang tila pumupuno sa katahimikang bumalot sa gabing yaon.

0 comments: