Napaisip si Sara sa inakala niya’y huling sandali ng kanyang buhay. Nawala ang takot na bumalot sa kanya at napalitan ng pagpayapa ng kanyang isipan. Ang mabahong basura at mga nakatambak ng kahon ay naglaho at sa unang pagkakataon ay naramdaman niya na siya nga ay lubusang nag-iisa na. Wala ng ang mga mata na kung makatitig ay halos hubdan ang kanyang katauhan. Isang uri ng pag-iisang hindi kahalo ay lungkot kundi pag-iisang katambal ng kapayapaan ng sarili.
Sa paglipas ng takot ay parang dumaan ang mga pira-piraso ngunit ‘di malilimutang kwento ng buhay sa isipan ng isang Sara. Isang Sara na kaunti lamang ang may kilala. Isang Sara na piniling tumira sa isang mundong maliit, masikip at madilim.
Ang buhay ni Sara…isang pagkakalugmok sa animo’y isang kumunoy. Habang siya ay nagpupumiglas, lalo lamang siyang nilalamon ng lupa. Kay tagal niyang nakalubog sa putikang yaon. Natabunan ng dumi at lusak ang kanyang diwa na nagpalimot sa kanya na siya ay nabubuhay pa pala. Ang dugong dumadaloy sa kanyang mga ugat ay halos malamig na’t hindi na maramdaman ng kanyang puso. Nabubuhay siya ngunit tila buhay ng isang patay ang kanyang ginagampanan. Isang manyikang de susi na pinagagalaw at kinokontrol ng pag-agos ng buhay na hindi niya nais sabayan.