Sunday, January 25, 2004

Si Ana

...minsan sadyang hinahagupit ang buhay ng tao. hindi lahat ng inaalagaan ay yumayabong, hindi lahat ng minamahal ay mamahalin ka ring pabalik. ganyan lang talaga ang buhay. kung minsan, kailangan lang talagang matutong tanggapin ang pait na paminsang matitikman ng ninuman upang masabing ikaw nga ay nabubuhay.

Malanta man o di ka man niya mahalin, walang kailangang ikahinayang. Kailanman ay hindi sayang ang magmahal ng lubos at totoo.

Tinitigan ni Ana ng matagal ang nalalatanta niyang halaman. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lamang namatay ang kanyang alaga. Araw araw naman niya itong dinidiligan upang maging malusog at magbunga ng mga magagandang bulaklak. Lagi niya ring binubungkal ang lupa upang siguraduhing hindi kulob ang mga ugat nito. Sinisiguro niyang sapat lamang na oras ang pagbilad niya rito sa araw upang hindi mabilis matuyo at malanta. Pero tila kulang pa yata ang lahat ng ito dahil kulubot, kulay kape at halos wala ng buhay ang alaga niyang halaman.

Ibinuhos ni Ana ang oras at atensyon niya sa halamang yaon. Siniguro niyang walang oras na napapabayaan ito sapagkat alam niyang sa pamamagitan lamang nito masisiguro na magiging malusog at sadyang maganda ang kanyang halaman. Minsan nga’y mas matagal pa ang oras na iginugugol niya rito kaysa sa mga tao sa kanyang paligid. Mas masaya kasi siya pag nakikita niya palagi ang kanyang halaman, hinihintay na ito ay mamulaklak, kaya’t paminsan na lamang siyang lumalabas upang makipag-usap sa nanay at tatay niya, pati na rin ang makipaglaro sa mga batang nasa labas ng bahay nila.

Isang araw, nagising si Ana at napansing maganda ang panahon. Naisip niyang ilabas ang kanyang halaman upang paarawan ito. Pagkatayo pa lamang niya ay kaagad niyang pinuntahan ang alaga niya. Laking gulat niya ng mapansing may mga tumubong ligaw na damo sa paso ng kanyang halaman. Nagtaka si Ana sapagkat araw-araw naman niyang binubungkal ang lupa at wala naman siyang napasin na mga patubo pa lamang na damo. Agad niya itong hinugot dahil alam niyang hindi ito makakabuti para sa kanyang halaman.

Sumunod ang ilan pang mga araw at laking pagtataka ni Ana dahil araw-araw na lang niyang nakikitang may mga damong ligaw sa paso ng kanyang halaman. Hila rito at hila roon ang ginawa niya ngunit tila hindi na niya mapigil pa ang pagtubo at pagdami ng mga naliligaw na damo. Hanggang sa lumaon ay napagod na siya at tumigil na lamang sa paghila sa pag-aakalang pwede naman niyang ipagpabukas ang pagbunot ng mga natira.

Hindi nakatulog ng mabuti si Ana nung gabing yaon. Sa paggising niya ay agad niyang naisip ang alaga niyang halaman. Napasigaw na lamang siya ng bigla na lang niyang nakitang namatay na ito. Natabunan na ito ng napakaraming damo at ni hindi na niya halos makilala pa ang dating maganda niyang alagang halaman. Umiyak siya ng umiyak at pinilit tanggalin ang mga damo. Diniligan niya ito, pagkatapos ay binungkal pa ang lupa upang makahinga ang mga ugat nito. Pero huli na ang lahat. Patay na ang pinakamamahal niyang halaman at kahit na ano pa ang gawin niya ay hindi na niya ito mabubuhay pa. Malungkot na malungkot si Ana sapagkat hindi niya maunawaan kung bakit namatay ang halamang pinaghirapan niyang alagaan upang mabuhay at lumaki. Inisip niya ang panahon at hirap na iginugol niya dito na napunta lamang sa wala.