Matagal na panahon na akong hindi nakakapagsulat sa wikang aking mas unang minahal at mas nakasanayan. Bigla ko na lamang naalala na ng una kong binuo ang Sisidlan, ang aking nais ay maitampok ang aking mga saloobin sa wikang Tagalog. Tama lamang na ngayong isang taon na ang aking Sisidlan, na makapagsulat akong muli sa wikang isinisigaw ng aking dugo at isipan.
Nagbalik tanaw ako at muling binasa ang mga dati kong naisulat. Nakakatuwang mabasa muli at alalahanin ang aking mga pinagdaanan. Nakakaaliw makita ang mga pagbabagong nangyari sa aking buhay na aking namalas sa bawat kwentong aking nailahad.
Ang buhay talaga ng isang tao kahit na gaano pang kapayak ay sadyang interesante pa rin. Yan ang aking masasabi base sa iba't ibang mga blog na aking nadaanan, binasa't ninamnam sa loob ng isang taon. Merong mga kwentong sadyang nakakatawa. Meron din namang nakakalungkot. At mas lalong merong mga kwentong sadyang magbubukas sa iyong mata sa mga katotohanang ipinupukol ng buhay sa ibang tao maliban sa'yo.
Masaya ako at aking natutunang ipunin ang kwento ng aking buhay sa aking sisidlan. Maluwag pa't marami pang maaaring ilagay na alaala rito kaya't puspusan ang aking pakikipagsapalaran sa buhay upang mailakip ang bawat kwento at baunin sa aking sisidlan.
Monday, January 31, 2005
Unang Taon Ng Sisidlan
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment