Taong 2000, taon ng bagong henerasyon, taon ng kabataan. Taon rin sana ng pagkamulat para sa mga nakatatanda at pag-alab naman damdamin at isipan para sa kabataan.
Tunay na umaalingawngaw at mas pinakikinggan na ang tinig ng kabataan ng lipunang umaruga sa kanila’t kanilang ginagalawan. Tulad ng lahat, kinikilala sila ng batas at ng estado bilang mga taong may dignidad at pinahahalagahan sa pamamagitan ng mga karapatang kanilang tinatamasa’t maaaring ipaglaban. Dala na rin ng kanilang kamusmusan at kahinaan madalas silang masaktan ng masaklap at mapang-aping katotohan. Kaya nga’t ipinahayag at itinalaga hindi lamang ng Pilipinas kundi ng United Nations (UN) ang ilang mga batas at kautusan upang bigyang diin ang kahalagahan ng pagkatao at karapatan ng mga paslit upang sila’y mabigyang proteksyon laban sa mga pang-aabuso at kapabayaang maaaring nilang danasin sa kamay ng masalimuot na mundo.
Taong 1924, idineklara ng Assembly of the League of Nations,kilala ngayon bilang UN, ang Declaration of Geneva o ang Declaration of the Rights of the Child. Ito ay hindi isang batas kundi isang pahayag ng pagkilala ng iba’t ibang nasyon sa kahalagahan ng pagbibigay proteksyon sa kabataan. Sumunod pa rito ang ilang mga deklarasyon tulad ng Universal Declaration of Human Rights noong Desyembre 10, 1948 at Declaration of the Rights of the Child noong Nobyembre 20, 1959. Ang una’y pawang karapatang pantao ng lahat ang ipinahayag at hindi partikular na pambata samantalang ang huli nama’y pag-ulit lamag ng nabanggit sa Declaration of Geneva na may karagdagang paglilinaw at pagpapalawak. Binigyang diin nito ang kapakanan at pangangailangan ng mga bata sa aspetong pang-ekonomiya, sikolohikal at panlipunan.
Naisabatas lamang ang mga karapatang ng mga bata sa pagkakagawa ng Convention on the Rights of the Child (CRC) noong Nobyembre 20, 1989. Naging kakaiba ito sa lahat ng mga naunang deklarasyon sapagkat ito ay bukas upang tanggapin ng lahat ng bansa para maratipikahan sa kani-kanilang estado. Ayon sa librong Looking After Filipino Children, “It is the first legally binding international instrument which incorporates the full range of human rights (civil, political, economic, social and cultural) of children”. Kilala rin ito ngayon bilang Charter of the Rights of the Child. Sa kasalukuyan, ito ay nilagdaan na’t niratipikahan ng lahat ng estado maliban na lamang sa Estados Unidos na pumirma lamang upang ito’y kilalanin at sa Somalia na hindi man lamang lumagda rito.
Napapaloob sa CRC ang mga karapatan ng bata ayon sa apat na kategorya: karapatang mabuhay o survival, umunlad, proteksyon at partisipasyon. Tumatalakay ang unang kategorya sa karapatan ng bata na mabuhay sa pamamagitan ng pagbibiigay ng pangunahing pangangailangan at sapat na pag-aalaga. Ito ay sinisiguro sa pamamagitan ng pagtatalaga ng naaayong “standard of living”, paglinaw sa responsibilidad ng mga magulang, pagbibigay diin sa karampatang nutrisyon at seguridad para sa lahat ng bata kahit na siya ay mula pa sa grupong minoridad, may kapansanan man ito, o kahit na “refugee” pa. Sa kategoryang pag-unlad o development, idinidiin naman ng CRC ang kalayaan ng mga bata sa pag-iisip, konsensya at relihiyon pati na rin ang karapatang makatanggap ng nararapat na impormasyon at pantay na oportunidad upang makapag-aral at makapaglibang. Sa aspeto ukol sa proteksyon naman, itinatalaga ng CRC ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng pangalan upang matamasa niya ang benepisyo ng kanyang mga karapatan. Binigyang linaw din ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng estado ng proteksyon laban sa pang-aabuso, kapabayaan, kaguluhan, at eksploytasyon. Nakatalaga rin dito ang mga usapin at batayan ukol sa pag-aampon, pagtatrabaho ng mga bata, pagkalulong sa droga, “juvenile justice”. Ang karaptan sa partisipasyon ay tumatalakay sa karapatan ng mga bata na makapagpahayag ng sariling pananaw, kalayaang maipahayag ang sarili at ang “freedom of association”. Sa kabuuan, ang mga estadong kasama o bahagi ng CRC ay may legal at moral na obligasyon na ipaglaban ang karapatan ng mga bata sa pamamagitan ng ehekutibo, lehislatibo at hudisyal na kapangyarihan nito at sa iba pang paraan.
Sa loob naman ng bansang Pilipinas, unang kinilala ang mga bata at ang kanilang karapatang sa Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagkilala sa karapatan at obligasyon ng mga magulang na alagaan at palakahin ang kanilang mga anak at pagsiguro na mabigyang proteksyon ang mga bata mula sa anumang uri ng pang-aabuso, kapabayaan at eksploytasyon. Simula pa lamang sa Konstitusyon noong 1935 hanggang sa kasalukuyan, ganito pa rin ang pagkilala sa mga bata maliban lamang sa pagkilala sa karapatan ng mga sanggol na nasa sinapupunan pa lamang ng kanilang mga ina na mabuhay at ang pagbibigay ng espesyal na proteksyon para sa mga bata na idinagdag sa Konstitusyon ng 1987.
Ilan ring mga Presidential Decree at Republic Acts ang naipasa’t naitalaga upang lalo pang tumugon sa kapakanan ng mga bata. Pinakatampok rito ay ang Presidential Decree No. 603 (PD 603) na kilala bilang “The Child and Youth Welfare Code”, Republic Act No. 7610 (RA 7610) o ang “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act) at ang Republic Act No. 7658 (RA 7658) o “An Act Prohibiting the Employment of Children Below Fifteen Years of Age.
Ayon sa PD 603, pinakamahalagang aspeto ng isang nasyon ang bata at nararapat lamang na gawin ng estado ang lahat ng makakaya nito upang mapangalagaan ang kapakanan nito bilang tao. Kinikilala nitong bata ang sinumang tao na may edad 20 pababa. Sa ngayon, nabago na ang batayang sa pamamagitan ng Republic Act No. 6809 na kumikilala sa isang tao bilang isang menor de edad kung siya ay 17 gulang at pababa. Naitatag ang Council for the Welfare of Children mula rito at nabigyan ng kapangyarihan na masiguro ang pagpapatupad sa mga batas para sa mga bata at bumuo ng mga programang tutugon sa kanilang pangangailangan.
Ang RA 7610 naman ang nagbibigay ng proteksyon sa mga bata laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso, kapabayaan, eksploytasyon at diskriminasyon. Binigyan nito ng depinisyon ang pang-aabuso at nilinaw kung kailan ito matatawag na pang-aabuso at kinilala pati na rin ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso’t eksploytasyon. Nakatakda rin dito ang karamptang parusa para sa mga taong lalabag sa nasabing batas. Tinatalakay rin sa RA 7610 ang karapatan ng mga bata na miyembro ng mga “indigenous communities” laban sa diskriminasyon. Kinikilala ng pamahalaan ang kanilang tradisyon sa pamamagitan halimbawa ng alternatibong uri ng edukasyon na mas angkop sa kanilang uri ng pamumuhay. Binibigyan din ng kalayaan ang batang hindi tatanda sa 15 taong gulang na makapagtrabaho sa kondisyong mayroong itong permiso mula sa Department of Labor and Employment, sisiguruhin nito ang kalusugan, katiwasayan at patuloy na pagtanggap nito ng kaalaman tulad ng bokasyonal na edukasyon.
Ngunit sa paglagda at pagpapatupad sa RA 7658 noong Hulyo 26, 1993, ipinagbawal na ang pagtatrabaho ng sinumang bata na may edad 15 pababa. Hahayaan lamang ang mga ito kung sila ay nagtatrabaho sa ilalim o may pahintulot ng kanilang mga magulang, kung ang kanilang gawain ay hindi sa anumang paraan nagbabanta sa kanilang kalusugan at normal na paglaki’t pagtanda at kung patuloy silang nakakapag-aral.
Sadyang marami pang ibang mga batas na napapaloob sa ating bansa. Ang mga nabanggit ay yaong mga pinakatampok lamang. Iba’t iba ang kanilang itinatalaga upang masiguro na nasa mabuting pangangalaga ang mga bata. Sa dami ng mga batas na ito, nakalulungkot nga lang isipin na daan pa rin ang mga batang nasa lansangan na nanlilimos. Kay rami pa ring mga bata ang patuloy na inaabuso’t hindi makapagsumbong sa kinauukulan. Marami na ang paraang ginawa’t ginagawa upang ang kamusmusan ng kabataan ay patuloy na manatili sa kanila’t puso at pagkatao ngunit sadyang marami pa ring mga nakatatanda ang bulag sa hinaing ng mga paslit. Tawag ng laman at materyal na mundo ang kanilang prayoridad. Hindi kaya ng mga bata na tumayo sa sarili nilang mga paa lamang. Kailangan nila ang tulong at paggabay ng mas nakatatanda. Ayon nga sa Declaration of Geneva, “The child that is hungry must be fed; the child that is sick must be helped; the child that is backward must be helped; the delinquent must be reclaimed; and the orphan and the waif must be sheltered and succored”. Nawa’y atin itong magawa.
isinulat para sa Ang Pahayagang Plaridel (De La Salle University)